Ayon sa Xinhua News Agency, pormal na bubuksan alas-9:00 bukas ng umaga, Marso 5, 2016, ang Ika-4 na Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC). Sa sesyong ito, pakikinggan at susuriin ng mga kinatawan ang Government Working Report na gagawin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina. Bukod dito, susuriin ang mga ulat na gaya ng Outline ng Ika-13 Panlimahang-Taong Plano, kalagayan ng pagsasagawa ng Plano ng Konseho ng Estado sa Pagpapaunlad ng Pambansang Kabuhayan at Lipunan noong taong 2015, at Burador na Plano ng Konseho ng Estado sa Pagpapaunlad ng Pambansang Kabuhayan at Lipunan sa taong 2016. Bukas ng hapon, idaraos ang sesyong plenaryo ng iba't-ibang delegasyon para suriin ang Government Working Report.
Isasagawa ng China National Radio (CNR), China Central Television (CCTV), at China Radio International (CRI) ang live coverage sa pulong ng pagbubukas ng naturang sesyon. Isasagawa rin ng CRI Filipino Service ang live coverage sa pamamagitan ng litrato at artikulo sa website na https://filipino.cri.cn.
Salin: Li Feng