|
||||||||
|
||
Si Fu Ying, Tagapagsalita ng Ika-4 na Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC)
Sa news briefing na idinaos kaninang madaling araw, Marso 4, 2016, sa Great Hall of the People sa Beijing, isinalaysay ni Tagapagsalita Fu Ying ng Ika-4 na Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), na pormal na bubuksan alas-9:00 bukas ng umaga, Marso 5, 2016, ang nasabing sesyon ng Ika-12 NPC.
May siyam (9) na agenda ang sesyong ito, aniya pa. Bukod sa pagsusuri sa anim (6) na ulat na gaya ng Government Working Report, susuriin at aaprobahan din sa sesyon ang Outline ng Ika-13 Panlimahang-Taong Plano, at susuriin ang burador ng Charity Law. Tatagal ng labing isa at kalahating araw ang naturang sesyon.
Pagkaraang ipinid ang sesyon sa umaga ng Marso 16, idaraos ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang preskon para sagutin ang mga tanong ng mga mamamahayag mula sa loob at labas ng bansa.
Kaugnay ng military expenditure ng Tsina sa 2016, isiniwalat ni Fu na lalaki ng 7% hanggang 8% ang bahagdan ng paglaki ng military expenditure ng Tsina sa kasalukuyang taon. Ngunit, ito ay mas mababa kaysa bahagdan ng paglaki nito kumpara sa ilang taong nakaraan.
Ayon kay Fu, ang pagbalangkas ng badyet ng tanggulang bansa ng Tsina ay depende sa, una, pangangailangan ng konstruksyong pandepensa ng bansa; ikalawa, kalagayan ng pag-unlad ng kabuhayan ng bansa, at kalagayan ng financial income.
Ayon sa datos, noong taong 2015, 2014, 2013, 2012, at 2011, magkahiwalay na lumaki ng 10.1%, 12.2%, 10.7%, 11.2%, at 12.7% ang bahagdan ng paglaki ng military expenditure ng Tsina.
Kaugnay naman ng isyu ng South China Sea, binatikos ni tagapagsalita Fu ang ulat ng Amerika na isinaapanganib di-umano ng Tsina ang kapayapaang panrehiyon sa SCS, at pinipigilan nito ang kalayaan ng paglalayag. Aniya, ang nasabing kagawian ay madaliang nagliligaw sa situwasyon sa nasabing karagatan. Ipinalalagay din niya na ang pagsasabi ng mga mediang Amerikano ng "militarisasyon" ay uri ng linguistic hegemony.
Idinagdag pa niya, kung talagang pinapansin ng Amerika ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito, dapat nitong katigan ang pagsasagawa ng Tsina at mga kapitbansa nito ng talastasan para malutas ang alitan.
Tungkol sa isyung nuklear ng Korean Peninsula, ipinahayag ni Fu na kinikilala ng Tsina ang bagong resolusyong pinagtibay ng United Nations Security Council (UNSC). Nananalig aniya siyang mahigpit itong tutupdin ng Tsina.
Tinukoy ni Fu na sa naturang bagong resolusyon ng UNSC, inulit ang pagpapanumbalik ng Six-Party Talks, at "9.19" komong pahayag. Ipinangako rin nitong dapat mapayapang lutasin ang isyung ito sa diplomatikong paraan. Ito aniya ay palagiang iginigiit ng panig Tsino.
Idinagdag pa niya na mariing tinututulan ng Tsina ang pagpapaunlad ng sandatang nuklear ng Hilagang Korea. Dahil ito aniya ay nagsasapanganib, hindi lamang sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, kundi maging sa kapakanang panseguridad ng Tsina at mga kapitbansa.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |