Bilang tugon sa pagpapadala ng mga bapor pandigma ng Maritime Self-Defense Force ng Hapon sa Pilipinas at Biyetnam, ipinahayag kahapon, Lunes, ika-7 ng Marso 2016, ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang aksyong ito ng Hapon ay isang tangka ng pagbalik sa South China Sea sa pamamagitan ng paraang militar.
Ayon sa plano ng Maritime Self-Defense Force ng Hapon, bibisita sa Pilipinas ang isang submarino at dalawang destroyer nito, at pagkatapos, maglalayag sa Biyetnam ang naturang dalawang destroyer.
Kaugnay nito, sinabi ni Hong na ang kooperasyon ng mga may kinalamang bansa ay dapat makabuti sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Aniya, hindi ito dapat nakatuon sa ikatlong panig, o makapinsala sa soberanya at interes panseguridad ng ibang bansa. Dagdag ni Hong, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ilegal minsang sinakop ng Hapon ang mga isla ng South China Sea, kaya dapat panatilihin ang pag-iingat sa tangka ng Hapon na bumalik sa karagatang ito sa pamamagitan ng paraang militar.
Salin: Liu Kai