Sinabi kahapon, Biyernes, ika-11 ng Marso 2016, sa Beijing ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na buong tatag na tinututulan ng kanyang bansa ang magkakasanib na pahayag na ipinalabas ng 12 bansa sa UN Human Rights Council, kung saan ipinahayag ng mga bansang ito ang pagkabahala sa ilang individual cases sa Tsina, at pinuna ang human rights record ng Tsina.
Ipinahayag ni Hong na ang Tsina ay bansang may "rule of law." Hinahawakan aniya ng mga organong hudisyal ng Tsina ang mga kaso alinsunod sa batas, at iginagarantiya ang mga lehitimong karapatan ng mga suspek. Sinabi ni Hong na ang pagbatikos ng naturang 12 bansa sa Tsina sa pangangatwiran ng karapatang pantao ay grabeng nakikialam sa suliraning panloob at soberanyang hudisyal ng Tsina, at lumalabag din sa "rule of law."
Dagdag ni Hong, walang bansa ang puwedeng magsabi na pinakamaganda ang pangangalaga nito sa karapatang pantao. Aniya, lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapasulong at pangangalaga sa karapatang pantao, at natamo na ang kapansin-pansing tagumpay sa aspektong ito. Sinabi rin niyang may karapatan ang iba't ibang bansa, na batay sa sariling aktuwal na kalagayan at pangangailangan ng mga mamamayan, gamitin ang sariling paraan ng pagpapasulong sa usapin ng karapatang pantao.
Salin: Liu Kai