|
||||||||
|
||
ISANG malaking hamon para sa mauupo bilang pangulo ng Pilipinas ang pagtugon sa pangangailangan ng masasakyan ng mga mamamayan hindi lamang sa Metro Manila kungdi sa buong bansa.
Ito ang paniniwala ng mga naging panauhin sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.
Sinabi ni G. Alex Yague, pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines na nagpadala na sila ng kanilang position papers sa lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo at tanging si Senador Grace Poe pa lamang ang humaharap sa kanila at nakikipag-usap hinggil sa kanilang mga panukala. Idinagdag pa ni G. Yague na bubuoo umano ng isang consultative group si Senador Poe sa oras na magwaging pangulo upang pag-usapan ang mga isyung kanilang binanggit.
Sa panig nina Vice President Jejomar C. Binay, dating Secretary Manuel Araneta Roxas II, Senador Miriam Defensor-Santiago at Davao City Mayor Rodrigo Duterte, tinanggap nila ang liham at pag-aaralan umano ang kanilang panukala.
MALAKING KAWALAN SA EKONOMIYA ANG TRAPIKO. Sinabi ni G. Roland Moya,(may mikropono) deputy secretary general ng Employers Confederation of the Philippines na umaabot sa P2.4 bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa rayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency. (Melo M. Acuna)
Ipinaliwanag naman ni G. Roland Moya ng Employers Confederation of the Philippines, hindi biro ang pinsalang idinudulot ng matinding trapiko sa madla. Ayon sa Japan International Cooperation Agency, sa kanilang pagsusuri, umaabot sa P 2.4 bilyon ang nawawala sa bawat araw.
Idinagdag ni dating Land Transportation Office administrator at Land Transport Franchising and Regulatory Board chairman Engr. Alberto Suansing na kailangang gumising ang isang manggagawa ng alas-tres ng umaga upang makarating sa trabaho ng ganap na ikawalo ng umaga. Makararating ang isang kawani sa kanyang tahanan pagsapit ng mga ikasiyam o ikasampu ng gabi kaya't isang malaking kawalan sa isang may pamilya ang malupit na trapiko sa kalakhang Maynila.
Magugunitang may mga manggagawang nagmumula sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal at nagtatrabaho sa Metro Manila kaya't mahalaga sana ang pagkakaroon ng mass transport upang makaiwas na ang mga itong bumili ng mga sasakyan na siyang nakadaragdag sa trapikong halos hindi na umuusad.
Hinggil sa mga pasaway na tsuper ng jeep, bus at iba pang sasakyang panglupa, sinabi ni Engr. Suansing na obligasyon ito ng pamahalaan. Sila ang nararapat magpatupad ng batas trapiko kaya't ang mga tauhan ng pamahalaan ang siyang may poder sa bagay na ito.
Ipinaliwanag naman ni G. Steve Ranjo, secretary general ng PISTON, samahan ng mga militanteng tsuper, na talamak pa rin ang katiwalian sa mga lansangan. Hindi nawala ang pangingikil ng mga traffic enforcer, pulisya at maging mga kawani ng Land Transportation Office sapagkat sa pagdaragdag na multa sa bawat malalabag na batas trapiko, nagaganap ang kikilan sa panig ng nagpapatupad ng batas sapagkat nagiging mahalaga ang katagang areglo.
PAGLILIPAT NG MGA DAUNGAN, MADALI SUBALIT... Hindi madaling ilipat ang mga daungan mula sa Manila patungo sa Batangas o Subic. Ito ang sinabi ni Atty. Peter Aguilar, executive director ng Philippine Inter-Island Shipping Association sapagkat ang kanilang pinaglilingkurang mga kumpanya ay nasa Maynila at mga karatig pook. (Melo M. Acuna)
Sa panig ng Philippine Inter-island Shipping Association, sinabi ni Atty. Peter Aguilar, ang executive director ng samahan na madaling sabihing ilipat ang operasyon ng mga daungan mula sa Maynila patungo sa Batangas City at maging sa Olongapo City subalit hindi ito magaganap sapagkat karamihan ng kanilang pinaglilingkurang kumpanya ay may mga tanggapan sa Metro Manila at mga kalapit pook.
Samantalang natutuwa sila sa pagkakaroon ng mga crane facilities sa Port of Manila na siyang nagpapadali ng pagkakarga at pagbababa ng containerized vans, hindi naman nalagyan ng ganitong mga pasilidad sa ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag din niyang mahal ang kanilang singil kung ihahambing sa mga barkong mula sa ibang bansa sapagkat hamak na mas mura ang petrolyong nabibili sa Singapore. At kung dumaong man sila sa Pilipinas, walang buwis na ipinapataw sa kanilangfuel purchases at tanging mga kumpanyang Filipino ang nagbabayad ng buwis sa bawat litro ng krudong binibili para sa kanilang mga barko.
Malaking tulong sa kanila kung pagkakaroon ng daang bakal patungo sa Metro Manila sapagkat mas magiging madali ang pagdadala ng mga kargamento.
Naglingkod rin bilang Transport Secretary si Ginoong Manuel Araneta Roxas II sa kapanahunan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |