PUMASA sa Asian Development Bank ang isang pautang para sa Pilipinas na nagkakahalaga ng US$ 123.3 milyon upang magkaroon ng bagong water tunnel upang makadagdag sa tubig na kailangan ng Metro Manila. Magbabawas ito ng peligrong magkulang ang tubig kasabay ng paglaki ng bilang ng mga mamamayan.
Ayon kay Paul can Klaveren, Senior Urban Development Specialist ng Southeast Asia Dapartment ng ADB, ang transmission sustem ng Angat sa Bulacan ang naglalaan ng 95% ng tubig ng Metro Manila at ang mga tunnel ay hanggang 75 taon na at nasa masamang kalagayan kaya't malaki ang posibilidad na magkulang ang supply nito sa mga susunod na araw.
Sa pamamagitan ng halagang ito, makagagawa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage Corporation ng ika-apat na tunnel at maaayos ang tatlong iba pa kasabay ng padaluyan ng tubig upang madagdagan ang supply nito. Ang MWSS ay isang korporasyong pag-aari ng pamahalaan na may kontrata sa dalawang pribadong kumpanya na tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan na umaabot sa 40 cubic meters bawat Segundo. Nagagawa ito sa pagbabawas ng non-revenue water o tubig na 'di nakararating sa mga customer dahilan sa mga tagas ng tubo.
Umaasa ang MWSS na mapapakinabangan ang ika-apat na tunnel sa taong 2021.
Ang ika-apat na tunnel ay higit sa anim na kilometro ang haba na may lawak na apat na metro na tatanggap ng tubig mula sa Ipo reservoir. Magkakaroon ng transition basin sa Bigte at connective infrastructure.