Idinaos sa Sanya, Hainan ng Tsina, kahapon, Marso 23, 2016, ang unang Lancang-Mekong Cooperation (LMC) Leaders' Meeting. Sa isang deklarasyong pinagtibay sa pulong, buong pagkakaisang sinang-ayunan ng mga kalahok na lider na gawing limang (5) preperensyal na larangan ng LMC ang konektibidad, kakayahan ng produksyon, kabuhayang transnasyonal, yamang-tubig, at pagbabawas ng karalitaan. Buong pagkakaisang din nilang sinang-ayunang isagawa ang 26 na hakbangin para maisakatuparan ang mga ito. Tungkol dito, ipinahayag ng mga dalubhasang Tsino sa isyu ng ASEAN na ang layon ng LMC ay makapagpasulong sa kapakanan at benepisyo ng mga mamamayan ng iba't-ibang bansa sa kahabaan ng Mekong River. Anila, ang natamong bunga sa pulong ay makakapaghatid ng aktuwal na kapakanan para sa naturang mga mamamayan.
Ipinalalagay ni Xu Liping, punong mananaliksik ng Chinese Academy of Social Sciences (CASS) sa isyu ng Timog Silangang Asya, na ang pinakamalaking katangian ng LMC ay pragmatiko. Aniya, ang halos isang daang "Early Harvest List" na iniharap nito ay pawang pragmatiko. Kung isasakatuparan ang mga proyektong ito, makakapagbigay ng aktuwal na kapakanan sa mga mamamayan sa rehiyong ito, dagdag pa niya.
Ipinalalagay naman ni Song Qingrun, pangalawang mananaliksik ng China Institutes of Contemporary International Relations (CICIR) sa isyu ng Timog Silangang Asya, na ang nukleong layon ng mekanismo ng LMC ay pasulungin ang pag-unlad ng anim na bansa sa rehiyong ito, at ang kasaganaan at katatagan ng subregion. Aniya, ang mekanismong ito ay makakapagbigay ng kabutihan para sa pagpawi ng karalitaan, pagiging maginhawa ng pagpapalagayan ng mga tauhan, at mas matatag na pamumuhay ng mga mamamayan ng mga bansa sa Mekong River.
Salin: Li Feng