Sa paanyaya ni Pangulong Milos Zeman ng Czech Republic, mula ika-28 hanggang ika-30 ng buwang ito, isasagawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Czech. Pagkatapos nito, sa paanyaya naman ni Pangulong Barack Obama ng Amerika, mula ika-31 ng Marso hanggang Abril Uno, dadalo si Xi sa ika-4 na Nuclear Security Summit sa Washington.
Ipinahayag Huwebes, ika-24 ng Marso 2016, ni Li Baodong, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa panahon ng pananatili ni Xi sa Washington, idaraos ang kauna-unahang pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Amerika sa kasalukuyang taon. Magpapalitan aniya ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig na kinabibilangan ng isyung nuklear ng Korean Peninsula. Mahalaga aniya ang katuturan ng nabanggit na pagtatagpo para sa pagpapasulong ng matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Magkakasamang pasusulungin ng panig Tsino at Amerikano ang pagtatamo ng positibong bunga ng gaganaping pagtatagpo at summit, dagdag pa niya.
Isiniwalat ni Li na ang tema ng kasalukuyang summit ay "pagpapalakas ng pandaigdigang sistema ng seguridad na nuklear." Pagkatapos ng summit, ipapalabas ang isang komunike at limang action plan. Aniya, ito ang ika-2 beses na pagdalo ni Pangulong Xi sa Nuclear Security Summit.
Tinukoy pa niyang may sariling pananaw at paninindigan ang panig Tsino sa isyu ng South China Sea. Kung mababanggit ang paksang ito, isasalaysay ni Xi sa panig Amerikano ang paniniwala ng panig Tsino.
Salin: Vera