|
||||||||
|
||
Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Miyerkules, Abril 6, 2016, kay Pangulong Htin Kyaw ng Myanmar, unang-una, ipinahayag ni Wang Yi, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Tsina ang pagbati ng panig Tsino sa maalwang transisyong pampamahalaan ng Myanmar.
Ipinagdiinan ni Wang na ang kanyang pagdalaw ay nagpapakita rin ng pagpapahalaga ng Tsina sa relasyon nito sa Myanmar, bilang tradisyonal na mapagkaibigang kapitbansa. Si Wang ang unang ministrong panlabas na dayuhan na dumalaw sa nasabing bansang ASEAN sapul nang buuin ang bagong pamahalaang pinamumunuan ng National League for Democracy (NLD).
Ipinahayag din ni Wang ang kahandaan ng Tsina na pasulungin ang kooperasyon ng magkapitbansa sa larangan ng pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, production capacity, imprastruktura at iba pa, batay sa aktuwal na pangangailangan at kalagayan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Pangulong Htin Kyaw ang kanyang pasasalamat sa pagbati at pagsuporta ng panig Tsino sa bagong pamahalaan ng Myanmar.
Idinagdag pa niyang malaki ang potensyal ng pagtutulungan ng dalawang bansa dahil kapuwa ay nagpupursige sa pagpapalago ng pambansang kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Ipinahayag din ng pangulo ng Myanmar ang kahandaan ng kanyang bansa sa pakikipagtulungan sa Tsina para magkasamang pangalagaan ang kapayapaan sa hanggahan ng dalawang bansa.
Nauna rito, kinatagpo ni Wang ang kanyang counterpart na si Aung San Suu Kyi. Sa magkakahiwalay na okasyon, kinausap rin niya sina Tin Naing Thein, General Secretary ng Union Solidarity and Development Party, at Min Aung Hlaing, Commander-in-Chief ng Defense Services ng Myanmar.
Group photo nina Chinese Foreign Minister Wang Yi (3rd, L), Myanmar President Htin Kyaw (4th, R) at Foreign Minister Aung San Suu Kyi (3rd, R), Nay Pyi Taw, Myanmar, April 6, 2016. (Xinhua/U Aung)
Sina Chinese Foreign Minister Wang Yi (L) at Myanmar President Htin Kyaw habang nagkakamayan sa kanilang pagtatagpo, April 6, 2016. (Xinhua/U Aung)
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |