Idinaos kahapon, Huwebes, ika-7 ng Abril 2016, sa Guangzhou, Tsina, ang ikalawang pulong ng mga tagapagkoordina ng 2016 G20 Summit. Ito ay bilang paghahanda para sa summit na ito, na idaraos sa darating na Setyembre sa Hangzhou, Tsina.
Kalahok sa pulong ang mga tagapagkoordina mula sa mga kasapi ng G20, guest countries, at organisasyong pandaigdig.
Sinabi sa pulong ni Li Baodong, tagapagkoordinang Tsino at Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa harap ng kasalukuyang di-matatag na kabuhayang pandaigdig, kailangang patingkarin ng G20 ang namumunong papel, para paliwanagin ang tunguhin ng kabuhayang pandaigdig, at bigyan ito ng sigla. Ito aniya ay isa sa mga pangunahing target ng G20 Summit sa taong ito.
Salin: Liu Kai