Sa katatapos na ika-2 G20 Sherpa Meeting sa Guangzhou, siyudad sa dakong timog ng Tsina, inilabas ang kauna-unahang "Pahayag ng Tagapangulo" hinggil sa isyu ng pagbabago ng klima. Kauganay nito, ipinahayag dito sa Beijing ngayong Lunes, ika-11 ng Abril 2016, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ang kauna-unahang paglalabas ng espesyal na pahayag tungkol sa isyung ito sa kasaysayan ng G20.
Sinabi ni Lu na ipinangako ng iba't ibang panig na sila'y lalagda sa Paris Agreement bago o matapos ang ika-22 ng Abril, upang mapasulong ang pagkakabisa ng kasunduan sa lalong madaling panahon. Ito aniya ay nagpakita ng responsibilidad ng mga kasapi ng G20, at nagpadala ng positibong sinyales sa magkasamang pagharap sa hamon ng pagbabago ng klima. Samantala, mataas na pagtasa naman ang ibinigay ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-Moon ng UN sa nasabing pahayag.
Ani Lu, batay sa simulain ng bukas, maliwanag, at inklusibong pagtataguyod ng G20 Summit, patuloy na pasusulungin ng panig Tsino ang pagbabago ng G20 sa pangmatalagang mekanismo ng pangangasiwa, mula sa mekanismo ng pagharap sa mga krisis. Gagawa rin aniya ang panig Tsino ng bagong ambag para sa pagpapasulong sa paglago ng kabuhayang pandaigdig, at pagkumpleto ng pagsasaayos sa kabuhayang pandaigdig.
Idaraos ang 2016 G20 Summit sa Hangzhou, Tsina, sa darating na Setyembre ng taong ito
Salin: Vera