Hanoi—Inilabas dito kamakailan ng Tanggapan ng World Bank sa Biyetnam ang ulat na pinamagatang "Mahabang Buhay at Kasaganaan: Pagtanda ng Populasyon sa Silangang Asya at Rehiyong Pasipiko." Ipinakikita ng ulat na noong 2015, pumasok ang Biyetnam sa yugto ng mabilis na pagtanda ng populasyon. Tinatayang hanggang taong 2040, tataas sa 18 milyon ang bilang ng mga taong lampas sa 65 taong gulang, mula sa kasalukuyang 6.3 milyon. Aabot sa 18% ang proporsyon ng matandang populasyon ng bansa.
Ang Biyetnam ay palagiang itinuturing na isa sa mga pinakamasiglang bansa sa Timog-silangang Asya. Malaki ang populasyon ng mga manggagawa sa bansang ito, at malinaw ang bentahe nito sa yamang tao. Dahil dito, nakakahikayat ang Biyetnam ng pamumuhunan ng maraming dayuhang labor intensive enterprise.
May dalawang pangunahing sanhi kung bakit pumasok ang Biyetnam sa yugto ng mabilis na pagtanda ng populasyon: una, kasabay ng pagtaas ng lebel ng pamumuhay at pagbuti ng kondisyong medikal at pangkalusugan, humahaba ang life expectancy, at dumarami ang matandang populasyon. Ika-2, sa epekto ng family planning policy, bumababa ang fertility rate ng bansang ito, at unti-unting lumiliit ang batang populasyon.
Upang harapin ang posibilidad ng maagang pagtanda ng populasyon, aktibong hinahanap ng Biyetnam ang isang komprehensibo, sistematiko, at mabisang plano. Pinapabilis din ng ilang malalaking lunsod ang konstruksyon ng pasilidad para sa pag-aalaga sa matatanda.
Salin: Vera