UMABOT sa US$ 2.3 bilyon ang personal remittances ng mga manggagawang Filipino noong nakalipas na Pebrero ng 2016 at mas mataas ito ng 9% sa naitala noong nakalipas na taon. Sa unang dalawang buwan ng taong 2016, tumaas ang remittances ng 6.1% sa halagang US$ 4.6 bilyon mula sa US$ 4.3 bilyon na naitala noong 2015.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas officer-in-charge, patuloy na lumago ang personal remittances ng lakas sa patuloy na pagtaas ng fund transfders mula sa land-based overseas Filipinos na may mga kontratang higit sa isang taon. Nagkaroon sila ng naipadalang US$ 3.5 bilyon. Ang sea-based workers at land-based workers na mayroong maiiksing kontrata ay nakapagpadala ng US$ 1.0 bilyon.
Ang cash remittances ng mga nasa ibang bansa na idinaan sa mga bangko ay tumaas ng 9.1% sa pagkakaroon ng US$ 2.1 bilyon. Sa panahon ng Enero at Pebrero ng 2016, ang cash remittances ay umabot sa US$ 4.1 bilyon na kumakatawan sa paglagong 6.2% mula sa US$ 3.9 bilyong naipadala noong nakalipas na taon. Ang cash transfers mula sa land-based (US$ 3.2 bilyon) ay umangat ng 6.9% at sea-based (US$ 917 milyon) workers ay umangat ng 3.7% kaysa noong 2015. Higit sa ¾ ng cash remittances ay mula sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, Hong Kong, United Kingdom, Canada, Japan at Qatar.
Ang patuloy na paglabas ng mga manggagawa ang siyang nagpapataas ng remittances. Ayon sa naunang ulat ng Philippine Overseas Employment Administration may 31,6% ng 160,277 approved job orders noong Enero hanggang Pebrero ang naproseso. Ang karamihan ng mga kailangang manggagawa ay nasa service, production, professional, technical at related workers sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, Taiwan at United Arab Emirates.