|
||||||||
|
||
DEFENSE SECRETARY CARTER, BINATI ANG MGA KAWAL SA "EXERCISE BALIKATAN 2016." - Pinasalamatan ni US Defense Secretary Ashton Carter ang mga kawal na Americano, Filipino at Australiano na lumahok sa 12 araw na pagsasanay sa iba't ibang bahagi ng bansa. Nagmasid ang mga kinatawan ng 12 bansa na kinabibilangan ng United Kingdom at Canada. Nakiramay din si Secretary Carter sa pagkasawi ng isang kawal na Filipino noong nakalipas na linggo. (AFP PIO Photo)
PINARANGALAN ni US Defense Secretary Ashton Carter ang kawal na Filipinong nasawi sa isang sakuna sa simula pa lamang ng "Exercise Balikatan 2016" sa pagtatapos ng 12 araw na pagsasanay ng mga kawal na Americano, Filipino at Australiano sa isang seremonya sa Campo Aguinaldo.
Ayon kay Secretary Carter, sa likod ng matagumpay na pagsasanay, isang trahedya ang tumama sa mga unang araw ng Balikatan 2016 sa pagkasawi ni Airman Second Class Jover Dumansi.
Idinagdag pa ni Secretary Carter na ipinararating niya ang pakikiramay sa ngalan ng mga kawal na Americano ng Department of Defense sa mga kawal na Filipino, sa pamahalaan at mga mamamayan.
KAPIT-BISIG. Isang tradisyon sa Pilipinas ang pagkakapit-bisig bilang pagpapakita ng malapit na pagkakaibigan. Makikita sa parawan sina Vice Admiral Alexander Lopez, Filipino training director (dulong kaliwa), Foreign Secretary Jose Rene Almendras, US Defense Secretary Ashton Carter, Philippine Defense Secretary Voltaire Gazmin, AFP Chief of Staff General Hernando DCA Iriberri at Marine Lt. General John A. Toolan, ang American training director (dulong kanan). (AFP PIO Photo)
Nasawi si Airman Dumansi sa isang sakuna sa proficiency parachute jump sa Subic noong Huwebes, ika-pito sa buwan ng Abril. Hindi siya nakalapag sa kanyang lalapagan at natangay siya ng hangin tungo sa karagatan sa halip na sa drop zone.
Ani G. Carter, ang pagkasawing ito ay isang pagpapaalala sa mga panganib na hinaharap ng bawat kawal at pamilya sa bawat araw.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |