Huwebes, ika-21 ng Abril 2016, ipinahayag ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng relasyon sa Pilipinas. Umaasa aniya siyang mananangan ang bagong pamahalaan ng Pilipinas sa positibong at matalinong patakaran sa Tsina, at maayos na hahawakan ang mga kinauukulang alitan, upang mapabuti ang relasyong Sino-Pilipino sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.
Ipinahayag ng karamihan sa mga kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas na kahit may alitang pandagat ang Tsina at Pilipinas, sa sandaling sila'y mahalal, makikipagdiyalogo sila sa Tsina hinggil sa pagpapaunlad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.
Nang mabanggit ang paninindigan ng Tsina tungkol dito, sinabi ni Hua na ang pagpapaunlad ng mapagkaibigang relasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa ay angkop sa kapakanan ng kanilang mga mamamayan. Napansin ng Tsina na muling pinag-iisipan ng ilang politikong Pilipino kung angkop o hindi sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipino ang mga kinauukulang patakaran ng bansa, dagdag pa ni Hua.
Salin: Vera