|
||||||||
|
||
Ang 2016 Nanyang Forum na may temang "New Maritime Silk Road Construction and ASEAN Integration" ay isang high-profile platform na dinadaluhan ng matataas na opisyal ng pamahalaan at mga iginagalang na akademiko at dalubhasa sa edukasyon mula sa Tsina at mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Hangad ng porum na sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga pananaliksik, paglalahad ng mga karanasan at pagsali sa bukas na talakayan, maisusulong ang relasyon ng Tsina at mga bansang kasapi ng ASEAN. Layunin din ng porum na matamo ang malalimang pagtutulungan at magkasamang pag-unlad sa rehiyon. Inaasahan ding sa tulong ng porum mailalatag ang landas para sa magandang kinabukasan ng dalawang panig.
Kinatawan ng Pilipinas si Dr. Aileen San Pablo Baviera, Founding President ng Asia-Pacific Pathways to Progress Foundation at Propesor ng Asian Center ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sa kanyang presentasyon, ibinahagi ni Dr. Baviera ang kalagayan ng Pilipinas bilang isang maritime nation. Aniya, malaking bahagi ng bansa ang nasa tabing dagat at nakasalalay dito ang pamumuhay ng maraming Pilipino. Nakalulungkot dagdag niya na sa kabila ng mayamang karagatan lugmok sa kahirapan ang malaking bilang ng coastal provinces at maliit ang ambag ng industriya ng pangingisda sa ekonomiya ng Pilipinas.
Hinggil naman sa imprastruktura bagamat nitong nakaraang tatlong taon tumaas ng 20% ang overseas cargo sa North Harbor, ani Dr. Baviera kailangang pagandahin pa ang pasilidad ng mga daungan.
Mataas din ang bilang ng aksidente sa karagatan at malaking problema ang pangangalaga sa yamang dagat ng bansa.
Sa ganitong kalagayan naniniwala siyang mahalagang magkaroon ng maritime development cooperation ang ASEAN at Tsina sa larangan ng edukasyon, human resources at science and technology.
Aniya pa, ang pagpapalitan ng kaalaman sa pagitan ng mga siyentista at iskolar sa usapin ng sustainable development sa karagatan ay isang magandang hakbang.
Sa kasalukuyan kinakaharap ng ASEAN at Tsina ang mga kahirapan sa usapin ng karagatan kaya kanyang iminunungkahi ang mas marami pang discourses o talakyan.
Ulat: Mac
| ||||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |