Kinumpirma nitong Huwebes, Abril 28, 2016 ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministring Pandepensa ng Tsina ang paglahok ng hukbong Tsino sa unang magkasanib na ensayong panseguridad at kontra-terorismo ng ASEAN at 8 dialogue partner mula ika-2 hanggang ika-12 ng Mayo sa karagatan sa pagitan ng Brunei at Singapore.
Aniya pa, ang nabanggit na ensayo ay idaraos sa ilalim ng balangkas ng ASEAN Defence Ministers' Meeting ADMM-Plus na binubuo ng sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at 8 dialogue partner na kinabibilangan ng Australia, China, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Russian Federation, at United States.
Idinagdag pa ni Wu na lalahok sa gaganaping ensayo ang Lanzhou Destroyer, 12 miyembro ng special task force at 4 na staff officer ng Tsina.
May kinalaman sa magkasanib na pagsasanay, patrolya, komboy, paghahanap at iba pa ang naturang aktibidad, ani Wu. Ipinahayag ng tagapagsalitang Tsino na ang gaganaping ensayo ay makakatulong upang matuto sa isa't isa ang mga lalahok na bansa at mainam din sa pagpapalalim ng pragmatikong pagtutulungang pandepensa at panseguridad.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio