Kuala Lumpur, Malaysia—Ipinahayag nitong Lunes, Mayo 2, 2016, ni Human Resources Minister Datuk Seri Richard Riot Anak Jaem na magkakabisa sa unang araw ng Hulyo ng taong ito, ang Minimum Wages Order ng bansa.
Ayon sa ministrong Malay, ang order na ito ay sasaklaw sa lahat ng mga empleyado sa pribadong sektor, pero, hindi kasama rito ang mga domestic helper (maids).
Batay sa nabanggit na order, itataas sa 1,000 Ringgit (255 US dollar) mula sa kasalukuyang 900 Ringgit (230 US dollar) ang pinakamababang buwanang suweldo sa Peninsular Malaysia. Samantala, itataas naman sa 920 Ringgit (235 US dollar) mula sa 800 Ringgit (204 US dollar) ang minimum wage sa Sabah, Sarawak at Labuan.
Idinagdag pa ni Riot na sa pamamagitan ng pagtaas ng minimum wages, umaasa ang pamahalaang Malay na mapapataas ang kita ng mga mamamayan at mapapasulong ang pagkakaroon ng status na high-income nation ng bansa sa 2020.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Rhio