Lunes, ika-9 ng Mayo 2016, ipinalabas ang reaksyon ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina sa pananalita ni Charles Timothy "Chuck" Hagel, dating Kalihim ng Depensa ng Amerika, hinggil sa international arbitration sa isyu ng South China Sea. Ipinahayag ni Lu na malinaw at palagian ang paninindigan ng panig Tsino na hindi tatanggapin at hindi makikilahok sa international arbitration sa isyu ng South China Sea na unilateral na iniharap ng Pilipinas. Aniya, nagbubulag-bulagan ang ilang tao ng panig Amerikano sa pundamental na katotohanan, at buong tikis na minamanipula ang pandaigdigang batas. Ito aniya ay may lihim na layuning pulitikal.
Ayon sa ulat, sinabi kamakalan ni Hagel na kung hindi susundin ng Pilipinas o Tsina ang resulta ng arbitrasyon sa isyu ng South China Sea, magsisilbi itong "mapanganib na simula."
Kaugnay nito, tinukoy ni Lu na ang kilos ng panig Amerikano na "gamitin ang pandaigdigang batas kung kakailanganin, at itatakwil ito kung walang pangangailangan" ay mapanganib. Karapat-dapat na magmatyag ang komunidad ng daigdig sa ganitong kilos, dagdag ni Lu.
Salin: Vera