|
||||||||
|
||
MATAPOS ang mainitang kampanya ng mga kandidato na nagwakas kahapon sa pagboto ng milyun-milyong mga Filipino, nanawagan ang Makati Business Club na kailangang magkaisa ang mga mamamayan sa pagpapalakas ng mga institusyong magpapayabong ng demokrasya, katapatan, katarungan, awa, kakayahan, kapayapaan at kaayusan partikular sa Mindanao at higit sa lahat, ang paggalang sa batas.
Sa isang pahinang pahayag, sinabi ng mga bumubuo ng Makati Business Club na naging mainitan ang kampanya ng mga kandidato sa pambansa at lokal na posisyon kaya't nahati ang mga pamayanan sa mga kandidato, mga partido at plataporma. Binabati rin ng Makati Business Club ang bansa sa isa na namang matagumpay na pagpapahalaga sa masiglang demokrasya.
Sa mga pagbabago sa pamamaraan, pagkabalam sa logistical preparations at problema sa Vote Counting Machines at mga kontrobersya na natugunan ng Commission on Elections. Ang automation ang tamang hakbang mula noong 2010 at ang madaliang pagtanggap ng pagkatalo ng mga hindi nagtagumpay sa halalan, at kababang-loob ng mga nagwawagi, ang nararapat papurihan.
Sa 81% ng mga botanteng lumahok, nakita na naman na kahit na sa hirap ng pagpila at pagboto, pinahalagahan ang sandigan ng demokrasya. Pinapurihan din ang mga guro, election volunteers, poll watchers at iba pang tumulong sa ikapagtatagumpay ng halalan.
Nakikita na sa partial at unofficial results mula sa Commission on Elections ang hatol ng bayan. Nararapat maghilom na ang mga sugat na nakamtan sa halalan.
Kailangang tulungan ng sambayanan ang mga bagong halal. Kailangan ang pagkakaisa upang isulong ang bansa at lipunan.
Malaki at marami ang mga pagkakataong naghihintay sa mga Filipino sa iba't ibang larangan lalo pa't ang pinagmula'y ang katatapos na halalan. Makakamtan ang nais na kaunlaran na magdudulot ng biyaya sa higit na nakararami sa mga mamamayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |