Isiniwalat kahapon, Huwebes, ika-12 ng Mayo 2016, sa Beijing ni Zhao Chenxin, Tagapagsalita ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na sinimulan na ang prosidyur ng kanyang bansa ng pag-aaproba sa Paris Agreement hinggil sa pagharap sa pagbabago ng klima. Ito aniya ay nakatakdang matapos bago ang pagdaraos ng G20 Hangzhou Summit sa darating na Setyembre ng taong ito.
Sinabi ni Zhao, na batay sa naturang kasunduan, pinabibilis ng Tsina ang pagsasagawa ng mga hakbangin laban sa pagbabago ng klima, para isakatuparan ang mga target ng pagbabawas ng emisyon ng carbon dioxide, at pagdaragdag ng paggamit ng mga non-fossil energy. Pinasusulong din aniya ng Tsina ang mga proyektong pangkooperasyon sa pagitan ng mga umuunlad na bansa, para sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Nanawagan din si Zhao sa iba't ibang bansa na aprobahin sa lalong madaling panahon ang kani-kanilang paglahok sa Paris Agreement, para pasulungin ang pagkabisa ng kasunduang ito. Hinimok din niya ang mga maunlad na bansa, na tupdin ang pangakong magbigay-tulong sa mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Salin: Liu Kai