Geneva, Switzerland--Sa debatehan Lunes, Mayo 23, 2016 ng Ika-69 World Health Assembly ng World Health Organization (WHO), ipinahayag ni Li Bin, kinatawang Tsino ang suporta ng Tsina sa WHO sa pagpapatupad ng huli sa mga bansa, rehiyon at buong daigdig ng mga adhikaing pangkalusugan sa ilalim ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development.
Ipinangako rin ni Li, Direktor ng National Health and Family Planning Commission ng Tsina na patuloy na magsisikap din ang Tsina para maisakatuparan ang nasabing mga adhikain. Inilahad niyang para rito, itinakda ng pamahalaang Tsino ang pambansang plano ng pagpapasulong ng kalusugan ng sambayanang Tsino. Kabilang sa mga konkretong hakbangin ay ang magkakasamang paglahok at pagtupad ng mga may kinalamang organo sa mga health goal ng sustenableng pag-unlad. Bukod dito, naitatag din sa buong Tsina ang saligang sistemang medikal at pangkalusugan kung saan pantay-pantay na nakikinabang dito ang lahat ng mga mamamayan. Idinagdag pa ni Li na aktibo rin ang Tsina sa mga pandaigdig na proyektong pangkalusugan na gaya ng pakikipagtulungan sa WHO at iba pang mga organisasyon at pagkakaloob ng mas maraming produkto, teknolohiya, serbisyo at sistemang pangkalusugan para sa ibang bansa.
Ipinagdiinan din ni Li na nararanasan ngayon ng Tsina ang pagtanda ng lipunan, industriyalisasyon at urbanisasyon, at sa prosesong ito, kinakaharap ng Tsina ang mga idinudulot na hamong pangkalusugan. Inamin din niyang hindi pa balanse ang pag-unlad ng sistemang medikal at pangkalusugan sa iba't ibang lugar ng Tsina. Bilang tugon sa nasabing mga hamon at problema, humingi si Li sa mga kasapi ng WHO na magkakasamang hanapin ang kalutasan sa mga isyung kanilang komong kinakaharap.
Ang Ika-69 World Health Assembly ay nagbukas noong Mayo 23 at idinaraos hanggang Mayo 28, 2016.
Tagapagsalin: Jade
Tagapagpulido: Mac