Sa pakikipagtagpo sa Tashkent, Uzbekistan nitong Lunes, Mayo 23, 2016 kay dumadalaw na Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ipinaabot ni Pangulong Islam Karimov ng naturang bansa ang pagbati kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Ipinahayag ni Pangulong Karimov ang pananabik sa biyahe ni Pangulong Xi sa Tashkent para sa nakatakdang summit ng Shanghai Cooperation Organization(SCO). Nakahanda aniya ang Uzbekistan na magsikap, kasama ng Tsina para ibayong palakasin ang estratehikong partnership, at pasulungin ang pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan sa ibat-ibang larangan. Ito aniya'y makakatulong sa bagong pag-unlad ng SCO.
Ipinaabot naman ni Wang ang pagbati ni Pangulong Xi Jinping kay Pangulong Karimov. Ipinahayag ni Wang na nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Uzbekistan para pasulungin ang kanilang estratehikong partnership sa mas mataas na antas. Aniya, sa ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng SCO, umaasa ang Tsina na magtatagumpay ang gagawing Tashkent Summit ng SCO para ibayong pasulungin ang pagtutulungan ng SCO sa larangang panseguridad at pangkabuhayan. Dagdag pa ni Wang, tutulungan ng Tsina ang Uzbekistan sa pagtataguyod ng gaganaping summit.