Sa pakikipag-usap sa Bandar Seri Bagawan, nitong Huwebes, Abril 21, 2016 sa kanyang Bruneian counterpart na si Lim Jock Seng, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang pagpapahalaga sa magkakasamang paglutas ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyu ng soberanya sa Nansha Islands, at magkakasamang pagsasabalikat ng responsibilidad ng Tsina at ASEAN sa pangangalaga sa katatagan ng South China Sea. Ito ay kauna-unahang iniharap ng Brunei. Aniya, ito ay angkop, hindi lamang sa diwa ng Declaration on Conduct of Parties in the South China Sea(DOC), kundi rin sa pangmatagalang interes ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag naman ni Lim Jock Seng na ang mainam na relasyon ng Tsina at ASEAN at pagsasakatuparan ng katatagan sa South China Sea ay may mahalagang katuturan para sa Tsina at mga bansang ASEAN. Nakahanda aniya ang Brunei na magsikap, kasama ng Tsina para ibayo pang mapasulong ang pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at ASEAN, at lutasin ang alitan ng mga bansang may direktang kinalaman, sa pamamagitan ng diyalogo. Ipinahayag din niya ang pag-asang susuportahan ang usaping ito ng mga bansa sa labas ng South China Sea.