Sa magkasanib na preskon nina dumadalaw na Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, at kanyang Kyrgyzstani counterpart na si Erlan Abdyldaev nitong Linggo, Mayo 22, 2016, sa Bishkek, kabisera ng Kyrgyzstan, ipinahayag ni Wang na kasalukuyang kinakaharap at isinasabalikat ng mga bansa sa Gitnang Asya ang pagpapasulong ng reporma, pangangalaga sa katatagan at pagsasakatuparan ng sustenableng pag-unlad. Ito aniya ay dahil sa bagong kalagayang panrehiyon at pandaigdig, na gaya ng pagbabago ng situwasyong pandaigdig, mabagal na pagsigla ng kabuhayang pandaigdig, problema sa seguridad na panrehiyon, dibersipikasyon ng daigdig at iba pa. Binigyang-diin ni Wang na bilang matalik na kaibigan at estratehikong katuwang ng mga bansa sa Gitnang Asya, positibo ang Tsina sa pagtahak ng nasabing mga bansa sa landas na pangkaunlaran na angkop sa kani-kanilang aktuwal na kalagayan. Suportado rin aniya ng Tsina ang kanilang pagsisikap sa pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo, lehitimong karapatan at interes sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, at maayos na paglutas sa mga isyung di-pa nalulutas, sa pamamagitan ng diyalogo. Aniya, ito ay makakatulong sa pangangalaga sa katatagan at kapayapaan ng rehiyon. Ipinahayag din ni Wang ang pag-asang mapapabilis ang konektibidad sa pagitan ng land-based na Silk Road Economic Belt at Eurasian Economic Union, batay sa balangkas ng Shanghai Cooperation Organization(SCO).