Sa panayam kamakailan hinggil sa isyu ng South China Sea, sinabi ni Bob Carr, dating Ministrong Panlabas ng Australia, na dapat itakwil ang ideyang may-panganib sa malayang nabigasyon sa South China Sea. Ang ideyang ito rin aniya ay hindi dapat maging pangangatwiran para magsagawa ng pagpapatrolyang militar sa South China Sea.
Tinukoy ni Carr, na karamihan sa mga bapor na dumarating sa Tsina sa pamamagitan ng South China Sea ay may lulang mga pagkain, hilaw na materyal, at enerhiya, na kinakailangan ng Tsina. Ang mga bapor naman aniya na lumilisan ng Tsina ay naghahatid ng mga produktong Tsino sa iba't ibang lugar ng daigdig. Kaya ani Carr, hindi lilikha ang Tsina ng banta sa malayang nabigasyon sa South China Sea, dahil hindi ito angkop sa interes nito.
Sinabi rin ni Carr, na ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea ay inaasahan ng iba't ibang bansa sa rehiyong ito. Ipinalalagay niyang dapat isagawa ang magkakasamang paggagalugad sa karagatang ito, at iwasan ang militarisasyon. Nanawagan din siya sa iba't ibang bansa sa rehiyon na magtulungan sa aspekto ng pangingisda at pangangalaga sa kapaligiran, para magkaroon ng pagtitiwalaan. Ang mga ito aniya ay tunay na solusyon sa isyu ng South China Sea.
Salin: Liu Kai