TUMAAS ng may 3.8% ang personal remittances ng mga Filipino mula noong nakalipas na taon. Umabot sa US$ 2.4 bilyon ang naipadalang salapi sa bansa ng mga manggagawang mula sa iba't ibang bansa sa pagtatapos ng Abril. May pagsusuma ng mga naipadalang salapi ng mga Filipino mula noong Enero hanggang huling araw ng Abril ng 2016 sa halagang US$ 9.6 bilyon.
Ito ang ibinalita ni Governor Amando M. Tetangco, Jr. ng Bangko Sentral. Ang patuloy na paglago ng padalang salapi sa bansa ay naganap dahil sa kinikita ng land-based overseas Filipinos na may mga kontratang higit sa isang taon o higit pa na nagkakahalaga ng US$ 7.3 bilyon, at a kinikita ng mga magdaragat at land-based workers na madalian lamang ang mga kontrata na kinabibilangan ng kanilang gastos sa ibang bansa na umabot sa US$ 2.1 bilyon.
Ang cash remittances na idinaan sa mga bangko ay lumago ng 4.1% at umabot sa US$ 2.2 bilyon noong nakalipas na Abril. Sa cash remittances mula Enero hanggang Abril ng taong 2016, umabot naman ito sa US$ 8.7 bilyon na kumakatawan sa 3.1% na kaunlaran sa paghahambing sa taong 2015.
Ang cash remittances mula sa land-based (US$ 6.8 bilyon) ay lumago ng 3.8% at sea-based (US$ 1.9 bilyon) ay lumago rin ng 0.8% sa paghahambing sa naipadalang salapi noong 2015. Higit sa ¾ ng salaping naipadala sa Pilipinas ay mulasa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, United Kingdom, Japan, Qatar, Hong Kong, Kuwait at Germany.
Ayon naman sa Philippine Overseas Employment Administration, umabot sa 777,887 na kontrata ang kanilang naproseso sa unang apat na buwan ng 2016.