Isinalaysay kahapon, Biyernes, ika-17 ng Hunyo 2016, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pinakahuling development hinggil sa pagbibigay-tulong ng panig Tsino sa paghahanap ng mga nawawalang eroplano ng panig militar ng Biyetnam sa karagatan ng Beibu Gulf.
Ayon kay Hua, pagkaraang maganap ang naturang aksidente, humingi ng tulong noong Hunyo 16 sa panig Tsino ang Ministri ng Tanggulan ng Biyetnam. Aniya, batay sa kahilingan ng panig Biyetnames at diwa ng pagka-makatao, pinakilos na ng panig Tsino ang iba't ibang lakas para sa operasyon ng paghahanap at pagliligtas. Ani Hua, hanggang kahapon ng hapon, nagpadala ng 5 bapor ang China Coast Guard, at nagpadala naman ng 4 na bapor ang hukbong pandagat ng Tsina.
Ipinahayag din ng tagapagsalitang Tsino ang pag-asang makikita sa lalong madaling panahon ang mga nawawalang eroplano at tauhan ng panig Biyetnames.
Salin: Liu Kai