Nang kapanayamin kamakalawa, Lunes, ika-20 ng Hunyo 2016, sa Beijing, ipinahayag ni Anucha Charoenpo, Pangalawang Puno ng Thai Journalists Association at editor ng pahayagang Bangkok Post ng Thailand, na para lutasin ang hidwaan sa South China Sea, kailangang patuloy na magtalastasan ang mga bansang may direktang kinalaman sa hidwaan, at hindi dapat makisangkot sa isyung ito ang mga bansa sa labas ng rehiyon.
Sinabi ni Charoenpo, na bilang tugon sa maraming di-nalulutas na isyu sa South China Sea, kailangan ang bagong ideya ng mga may kinalamang bansa para sa talastasan at pagsasanggunian. Dapat aniyang iwasan ang paglala ng hidwaan, sa pamamagitan ng mapayapang talastasan.
Dagdag pa ni Charoenpo, ang isyu ng South China Sea ay suliranin sa loob ng Asya, kaya hindi dapat makialam sa isyung ito ang mga bansa sa labas ng rehiyong ito, sa anumang pangangatwiran na kinabibilangan ng malayang nabigasyon.
Salin: Liu Kai