Ipinahayag kahapon, Martes, ika-21 ng Hunyo 2016, ni Karunasena Hettiarachchi, Pirmihang Kalihim ng Ministri ng Depensa ng Sri Lanka, na dapat itigil ng Amerika ang pakikialam sa suliranin ng South China Sea. Ito aniya ay para pangalagaan ang kapayapaan, katatagan, at katiwasayan sa karagatang ito at Asya-Pasipiko.
Sinabi ni Hettiarachchi, na ang pagpanig ng Amerika sa ilang bansa sa Asya-Pasipiko, at pagkatig sa mga kaalyadong bansa laban sa Tsina ay makakapinsala sa kapayapaan, katatagan, at katiwasayan ng rehiyong ito.
Ipinalalagay din niyang, pagdating sa isyu ng South China Sea, dapat lutasin ang lahat ng mga hidwaan sa pamamagitan ng bilateral na talastasan, at marating ang mapayapang solusyon na katanggap-tanggap ng iba't ibang panig.
Salin: Liu Kai