Sinabi kahapon, Biyernes, ika-10 ng Hunyo 2016, ni Tagapagsalita Maria Zakharova ng Ministring Panlabas ng Rusya, na ang pakikialam ng ikatlong panig sa isyu ng South China Sea ay magpapalala lamang ng tensyon sa rehiyong ito.
Ayon kay Zakharova, ipinalalagay ng panig Ruso na dapat sundin ng iba't ibang may kinalamang panig sa isyu ng South China Sea ang prinsipyong hindi gumamit ng dahas, at patuloy na hanapin ang solusyong pulitikal at diplomatiko. Aniya pa, dapat magkaroon ng direktang diyalogo at pagsasanggunian ang iba't ibang may kinalamang panig.
Dagdag ni Zakharova, ang United Nations Convention on the Law of the Sea, Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, at iba pang may kinalamang dokumento ay batayan para sa paglutas ng isyu ng South China Sea. Patuloy ding kakatigan ng Rusya ang pagbalangkas ng Tsina at mga bansang ASEAN ng Code of Conduct for the South China Sea, aniya pa.
Salin: Liu Kai