DALAWAMPU'T SIYAM na Filipina ang nailigtas mula sa dalawang bar sa Bintulu, Sarawak sa Malaysia noong nakalipas na ika-siyam ng Hunyo. Ayon sa naantalang balita mula sa Embahada ng Pilipinas sa Malaysia, nadakip sa pagsalakay ng pulisya ang tatlong Filipino na mga ahente at tagapag-alaga ng kababaihan.
Pinasalamatan ni Ambassador J. Eduardo Malaya ang sangay ng pulisya sa Bintulu sa madaliang pagkilos at pagliligtas sa mga kababaihan.
Ipinaliwanag ni Ambassador Malaya na naganap ang pagliligtas sa kababaihan sa pagtutulungan ng Embassy Police Attache Pablo Labra II at Assistance to Nationals officer Ariel Esparto kasama ang mga autoridad sa Sarawak.
Matapos matanggap ang ulat na may mga biktima ng trafficking sa pook, dumalaw ang mga opisyal ng embahada sa Sarawak at nakipagtulungan sa Royal Malaysian Police. Sinalakay ng pulisya ang Republic at Kiss Kiss Discovery pub. Dadalhin na ang mga kababaihan sa Women's Shelter Home sa Kota Kinabalu matapos pumasa ang kanilang kahilingan para sa temporary protection.
Nanawagan ang Embahada ng Pilipinas sa Malaysia na huwag maniniwala sa mga walang lisensyang tao na nagpapakilalang may ahensya, lalo na ang gumagamit lamang ng internet sapagkat malaki ang posibilidad na maging biktima sila ng human trafficking.