Magkasamang dumalo kahapon, Sabado, ika-25 ng Hunyo 2016, sa Beijing, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya sa aktibidad bilang paggunita sa ika-15 anibersaryo ng paglalagda sa China-Russia Good-Neighborly Treaty of Friendship and Cooperation.
Sa kanyang talumpati sa aktibidad, sinabi ni Xi, na nitong 15 taong nakalipas, sa ilalim ng naturang kasunduan, mabilis na umuunlad ang relasyong Sino-Ruso, at natamo ng kooperasyon ng dalawang bansa ang maraming bunga. Nanawagan siya sa dalawang bansa, na batay sa diwa ng kasunduan, magkasamang magsikap para magbukas ng mas magandang kinabukasan ng relasyong Sino-Ruso. Ito aniya ay magdudulot ng tunay na benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at magbibigay ng positibong ambag sa kapayapaan, katiwasayan, at katatagan ng rehiyong ito at buong daigdig.
Sinabi naman ni Putin, na ang naturang kasunduan, at komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Rusya at Tsina na naitatag batay dito, ay angkop sa interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at makakabuti rin sa katatagan at katiwasayan ng rehiyon at daigdig. Nakahanda aniya ang Rusya, kasama ng Tsina, na patuloy na palakasin ang kooperasyon sa diplomasya, kabuhayan, katiwasayan, pagpapalitan ng mga mamamayan, at iba pa.
Salin: Liu Kai