Lunes, ika-27 ng Hunyo, 2016—Nakipagtagpo dito sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Salvador Valdes Mesa, Espesyal na Sugo ni First Secretary Raul Castro ng Partido Komunista ng Cuba at Pangalawang Tagapangulo ng Konseho ng Estado ng bansa.
Binati ni Xi ang bagong halal na liderato ng Partido Komunista ng Cuba. Nananalig aniya siyang sa pangangasiwa ng bagong liderato na pinamumunuan ni Raul Castro, matatamo ng mga mamamayang Cuban ang mas malaking tagumpay sa usapin ng sosyalistang reporma at konstruksyon.
Sinabi naman ni Valdes na pinahahalagahan ng panig Cuban ang tradisyonal na pagkakaibigan sa Tsina, at pinahahalagahan din ng bagong liderato ng Cuba ang pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa at dalawang partido. Umaasa aniya siyang mapapalakas ang pagpapalitan sa karanasan ng pangangasiwa sa partido at bansa, at pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, para makapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayang Tsino't Cuban.
Salin: Vera