NANGAKO si Vice President Leni Robredo na susuportahan ng buong puso si Pangulong Rodrigo Duterte kahit wala siyang posisyon sa gabinete sapagkat ang anumang 'di pagkakaunawaan o away ang maglalayo sa lahat sa pagtugon sa mga problema ng bansa.
Sa kanyang keynote address sa pagdiriwang ng Ikatlong Anibersaryo ng Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Gng. Robredo, na maaaring sa pananaw ng ilan ay imposibleng maganap ito subalit sa pagtutulungan, ang imposible ay nagiging posible.
Dumating na ang panahon na hindi kakayahing mag-away-away sapagkat maraming kailangang gawin. Sa dami ng gagawin ay mapupunang maiksi ang anim na taon.
Ang obligasyon niya bilang pangalawang pangulo ay tumulong na mabuo hindi para kay Pangulong Duterte kungdi sa ngalan ng mga mamamayan ng bansa.
Idinagdag pa niya na naging maganda ang takbo ng ekonomiya sa pagkakaroon ng matatag na gross domestic product sa nakalipas na sampung taon. Kailangan lamang matugunan ang kahirapan, pagpapanatili ng job groweth at inclusivity.