Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Diplomasya, susi pa rin ng kapayapaan

(GMT+08:00) 2016-07-05 14:16:16       CRI

ANG pakikipag-usap sa mga kalapit bansa at maging sa malalayong bansa ang paraan upang malutas ang mga 'di pagkakaunawaan. Ito naman ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. sa kanyang pagdalo sa ikatlong anibersaryo ng Tapatan sa Aristocrat kanina.

Ayon kay G. Yasay nagunita niya ang tanong ng isang mamamahayag sa idinaos na press conference noong nakaraang linggo kung natatakot daw ba ang Pilipinas sa Tsina. Itinanong ni G. Yasay sa mamamahayag bakit mangangamba ang Pilipinas sa Tsina. Wala umanong dapat katakuan kungdi ang pagkatakot mismo.

Nakikiisa ang Pilipinas sa hangarin ng madla na makipagtulungan, pagkilala at paggalang sa batas, pagkilala sa right to self-determination at maghangad ng kapayapaan at 'di ng digmaan at magaganap lamang ito sa pagkakaroon ng multilateral at bilateral relations.

WALANG MAAANGHANG NA PAHAYAG.  Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto R. Yasay, Jr. (gitna) sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga.  Maghihintay na lamang ang bansa ng magiging desisyon ng tribuna, magsusuri sa desisyon bago maglabas ng pahayag, dagdag pa ni G. Yasay.  (A. Dalan)

Hindi kailanman mangangamba ang Pilipinas na makipag-usap kaninoman subalit hindi makikipag-usap kung ang sandigan ay pangamba. Tumanggi si Secretary Yasay na magbigay ng kanyang pahayag sa nalalapit na desisyon ng arbitral tribunal hinggil sa usaping inihain ng Pilipinas.

Ani G. Yasay, tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, maghihintay na lamang muna ang bansa ng desisyon at masusi itong pag-aaralan bago gumawa ng anumang pahayag.

Sa likod ng mga nagaganap sa Istanbul, Turkey, sa Bangladesh at iba pang bahagi ng daigdig na kinatampukan ng terorismo na ikinasawi na ng daan-daang katao, sinabi ni G. Yasay na ang paglaban sa terorismo ay obligasyon ng lahat. Makikiisa ang Pilipinas sa paglaban sa terorismo. Magiging bahagi ang Pilipinas ng pakikipaglaban sa mga terorista. Nararapat gumanap ng sariling papel ang bansa laban sa terorismo. Hindi magdadalawang-isip ang bansang gamitin ang ganitong paninindigan upang hadlangan ang terorismong dala ng mga banyaga.

Naniniwala rin si G. Yasay na nababatid ng mga kawal, pulis at mga tauhan ng intelligence community ang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Binanggit din niya na inutusan sila ni Pangulong Duterte na madaliin ang pagdalo sa pangangailangan ng mga manggagawang Filipino mula sa kanilang recruitment hanggang sa pagdating sa kanilang paroroonan.

Ayaw umano ng pangulo na makakita ng mahabang pila sa alinmang tanggapan ng gobyerno. Kailangang madaluhan nila ang pangangailangan ng mga Filipino sa ibang bansa, dagdag pa ni G. Yasay. Mahalaga ang sinasabing streamlining sa paglilingkod sa mga Filipino.

May pakikipagkasundo ang Pilipinas sa mga kalapit-bansa upang maiwasan ang terorismo, tulad ng ginawa ng bansa sa Malaysia at Indonesia. Maisusulong ang nilalayong Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East Asia Growth Area.

Sa isyu ng Sabah, sinabi ni G. Yasay na nasa isang tabi muna ang usapin subalit hindi ito tinatalikdan. Maghahabol ang Pilipinas sa tamang panahon, dagdag pa niya.

Sa paglisan ng United Kingdom sa European Union, umaasa pa rin si G. Yasay na magpapatuloy ang pagsigla ng ASEAN community na nagsimula noong unang araw ng 2016. magpapatuloy umano ang pagtutulungan ng mga bansang nasa ASEAN upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan nito. Wala siyang nakikitang direct impact sa Pilipinas ang pag-alis ng United Kingdom sa European Union.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>