NANINIWALA si dating Secretary-General Alberto A. Encomienda ng Maritime and Ocean Affairs Center ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na pag-uusap pa rin ang magiging susi sa 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni G. Encomienda na sa pamamagitan ng pag-uusap, mababawasan ang tensyon. Unang binanggit ng dalubhasa sa mga usapin sa karagatan na hindi sana magtatayo ng mga pasilidad ang mga Tsino sa South China Sea kung hindi dumulog ang Pilipinas sa pandaigdigang hukuman upang lutasin ang isyu.
Ikinatuwa ni G. Encomienda ang paninindigan ni Ginoong Duterte at ng kanyang administrasyon na maghintay ng magiging desisyon ng lupon bago maglabas ng anumang pahayag. Sa ganitong paraan, naiibsan ang tensyon at naiiwasan ang mga maaanghang na pahayag.