Ipinahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas ang kahandaang makipagdiyalogo sa panig Tsino pagkatapos ng hatol ng South China Sea (SCS) arbitration. Kaugnay nito, ipinahayag Miyerkules, ika-6 ng Hulyo, 2016, ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na ilegal at walang bisa mula't sapul ang umano'y South China Sea arbitration na isinumite ng pamahalaan ni Benigno Simeon Aquino III. Aniya, hindi tatanggapin ng panig Tsino ang paninindigan at aksyon ng anumang bansa, batay sa umano'y hatol.
Inulit ni Hong na kahit anong hatol ang gagawin ng arbitral tribunal, hindi ito tatanggapin at kikilalanin ng panig Tsino. Binigyang-diin niyang ang bilateral at mapagkaibigang diyalogo at pagsasanggunian ang siyang tanging tumpak na paraan sa maayos na paghawak sa alitan ng Tsina at Pilipinas sa nasabing karagatan. Umaasa aniya ang panig Tsino na itatakwil ng bagong pamahalaan ng Pilipinas ang maling aksyon ng pamahalaan ni Aquino, babalik sa tumpak na landas ng pakikipagdiyalogo at pakikipagsanggunian sa panig Tsino, at magpupunyagi para mapabuti at mapaunlad ang relasyong Sino-Pilipino.
Salin: Vera