Ipinahayag nitong Martes, Hulyo 12, 2016, ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang matinding pagkalungkot at pagtutol sa pahayag ng Kagawaran ng Estado ng Amerika hinggil sa hatol sa arbitrasyon ng South China Sea (SCS). Pinayuhan din ni Lu ang Amerika na itigil ang panunulsol sa isyu ng SCS.
Pagkatapos ilabas ng Arbitral Tribunal (AT) ang hatol sa arbitrasyon ng SCS, ipinahayag ng tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Amerika na ang nasabing hatol ay mayroong binding force sa Tsina at Pilipinas. Umaasa aniya siyang susundin ng dalawang bansa ang mga may kinalamang obligasyon at sasamantalahin ang pagkakataong ito para mapayapang lutasin ang mga hidwaan.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Lu na iniharap ng Tsina ang solemnang representasyon sa panig Amerikano.
Tinukoy niyang ang pahayag ng Amerika ay lumabag sa sariling bukas na pangako ng walang papanigan sa isyu ng SCS. Dagdag pa niya, hiniling ng Amerika sa ibang mga bansa na dapat sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pero tinanggihan nito ang pagsapi sa UNCLOS.
Umaasa aniya siyang ititigil ng Amerika ang mga pananalita at kilos na magpapa-igting ng tensyon sa rehiyong ito.
Bukod dito, sinabi ni Lu na inilabas ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pahayag para komprehensibong ilahad ang paninindigang Tsino hinggil sa arbitrasyon na unilateral na iniharap ng administrasyon ni Benigno Aquino III at di-umano'y hatol ng AT.