NAGLABAS ang Department of Justice ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa limang mga heneral na kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte na may koneksyon sa illegal drugs.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na inilabas ang ILBO laban kina Police Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edhgardo Tinio, Chief Supt. Bernardo Diaz, retired Chief Supt. Vicente Loot at retired Deputy Director General Marcelo Garbo.
Ayon sa kautusan, inilabas ang direktiba sa Commissioner ng Bureau of Immigration upang atasan ang kanyang mga tauhan na magbantay kung dadaan o dumaan na sa kanilang mga paliparan at daungan. Sa oras na mapuna na lalabas ng bansa ang mga nabanggit, kailangang magkaroon ng sipi ng authority to travel na ibinigay ng kani-kanilang mga ahensya.
May kautusan din sa mga tauhan ng Bureau of Immigration na makipagtulungan sa Department of Interior and Local Government at maging sa National Police Commission upang maipatupad ang nilalaman ng direktiba.
Hindi naman ito nangangahulugan na pagbabawalan ang mga nabanggit na umalis ng bansa. Hukuman lamang ang nakapaglalabas ng tinaguriang hold departure order.