SA likod ng matinding traffic sa Metro Manila at iba pang mga lungsod sa Pilipinas, tumaas pa ang benta ng mga kotse noong nakalipas na Hunyo ng may 36% samantalang tumaas ang benta ng mga sasakyan sa unang anim na buwan ng 2016.
Ayon sa pinag-isang ulat ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. at Truck Manufacturers Association, umabot sa 32,993 na unit ng sasakyan ang nabili noong Hunyo na mataas ng 36% mula sa 24,185 units noong Hunyo ng 2015. Ang benta ng mga sasakyan noong Hunyo ay umabot sa 27% para sa unang anim na buwan ng taon na umabot sa 167,481 units.
Tumaas ang benta ng mga passenger car at commercial vehicles. Umabot sa 11,951 units ng passenger cars ang naipagbili noong Hunyo. Sa unang anim na buwan, umabot sa 62,560 units ang nabenta noong unang anim na buwan ng 2016 at mas malaki ng 18.5% kung ihahambing sa benta noong nakalipas na taon.
Sinabi ni CAMPI President Atty. Rommel Gutierrez na umaasa silang makakamtan ang target para sa taong 2016 dahil sa magagandang modelo ng mga sasakyan at mga promotional programs ng iba't ibang kumpanya.
Toyota Motor Philippines pa rin ang nangunguna sa pagkakaroon ng 43.4% na market share. Pangalawa ang Mitsubishi Motor Philippines na nagkaroon ng 18.1%, pangatlo ang Ford Motor Philippines sa pagkakaroon 10% samantalang ang Isuzu Philippines ang pang-apat sa pagkakaroon ng 7.9%. Honda Cars Philippines ang panglima sa pagkakaroon ng 6.7% market share.