Idinaos kahapon, Biyernes, ika-15 ng Hulyo 2016, sa Hong Kong ang symposium hinggil sa pandaigdig na batas para sa paglutas ng hidwaang pandagat.
Sa panahon ng kanyang paglahok sa symposium, sinabi ni Xu Hong, Puno ng Departamento ng Kasunduan at Batas ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang South China Sea arbitration ay isang kasong walang hurisdiksyon, walang batayan sa katotohanan, at walang batayang pambatas. Aniya, walang saysay sa batas ang resulta ng arbitrasyon, at wala ring binding force.
Ipinalalagay din ni Xu, na may kapinsalaan sa tatlong aspekto ang resulta ng arbitrasyon. Una, ito ay tangkang sumabotahe sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina. Ikalawa, ito ay magdudulot ng bagong hadlang sa mapayapang paglutas ng Tsina at mga may kinalamang bansa sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan. At ikatlo, magpapahina ito ng pananalig ng komunidad ng daigdig sa mekanismo ng paglutas sa hidwaan ng United Nations Convention on the Law of the Sea, at makakapinsala rin ito sa pandaigdig na kaayusang pandagat.
Salin: Liu Kai