Ulan Bator, Mongolia—Sabado, ika-16 ng Hulyo, 2016, ipininid ang ika-11 Asia–Europe Meeting (o ASEM) Summit. Magkakasamang inilabas ng mga kalahok na lider ang "Deklarasyon ng Ulan Bator" at pahayag ng tagapangulo. Hinangaan nila ang natamong bunga ng kooperasyong Asyano-Europeo nitong nakalipas na 20 taon, at ipinangakong ibayo pang palalalimin ang pragmatikong kooperasyon sa hinaharap.
Anang deklarasyon, nitong nakalipas na 20 taon, ang ASEM ay naging katangi-tanging plataporma para sa diyalogo at kooperasyon ng Asya at Europa. Gumawa ito ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng diyalogong pulitikal, kooperasyong pangkabuhayan, pagpapalitan ng tauhan at iba pang aspekto. Ipinangako ng mga kalahok na lider na sa pamamagitan ng bukas at unti-unting paraan, patuloy na pasusulungin ang mekanismo ng ASEM, palalakasin ang connectivity, at pasusulungin ang mas malalim na kooperasyon.
Upang pag-ibayuhin ang kooperasyon ng Asya at Europa sa hinaharap, iniharap ng nasabing deklarasyon ang mga mungkahing gaya ng pagpapalakas ng partnership ng dalawang kontinente, pagpopokus sa pragmatikong kooperasyon, pagpapasulong sa connectivity sa iba't ibang larangan, pagpapasulong sa deberisipikasyon ng nilalaman ng ASEM at iba pa.
Salin: Vera