Sa Beijing (Xinhua) — Sa kanyang pakikipag-usap Lunes, Hulyo 25, 2016, kay Heng Samrin, Presidente ng Pambansang Asemblea ng Cambodia, sinabi ni Zhang Dejiang, Pangulo ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC), na ang pagkatig at pagtulong sa isa't-isa, ay mainam na tradisyon ng relasyong Sino-Kambodyano. Aniya, bilang tugon sa umano'y "kaso ng arbitrasyon sa South China Sea," bukas at malinaw na kinatigan ng panig Kambodyano ang posisyon ng panig Tsino, at binigyan ito ng lubos na papuri ng panig Tsino. Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng panig Kambodyano, na aktibong isakatuparan ang mahalagang komong palagay na narating ng mga lider ng dalawang bansa, walang humpay na patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, komprehensibong palalimin ang kooperasyon sa iba't-ibang larangan, at magkasamang pasulungin ang konstruksyon ng "Belt and Road," para mapasulong ang pagtatamo ng malaking progreso ng relasyon ng dalawang bansa.
Idinagdag pa ni Zhang na pinahahalagahan ng NPC ang pagpapaunlad ng relasyon sa Pambansang Asemblea ng Cambodia. Nakahanda aniya ang NPC na ibayo pang palakasin ang pagpapalitan at palalimin ang kooperasyon ng dalawang panig para makapagbigay ng mas malaking ambag sa pagpapasulong ng komprehensibo at estratehikong relasyong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Heng Samrin na lubos na hinahangaan ng kanyang bansa ang ibinibigay na mahalagang papel ng Tsina sa komunidad ng daigdig. Aniya, patuloy na mananangan ang kanyang bansa sa pantay at obdiyektibong posisyon sa isyu ng South China Sea, at patuloy na bibigyan ng matatag na pagkatig ang panig Tsino sa isyung ito.
Salin: Li Feng