Sa Vientiane, Laos — Sa kanyang pagdalo Martes, Hulyo 26, 2016, sa Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3), ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na sa kasalukuyan, ang kooperasyon ng 10+3 ay isa sa mga pinakamahusay na mekanismong pangkooperasyon sa rehiyong Silangang Asyano, at mayroon itong mahalagang katayuan sa pulitika at kabuhayan sa Asya at buong daigdig. Aniya, bilang pangunahing tsanel ng kooperasyong Silangang Asyano, ang 10+3 ay nagkaloob ng matatag na suporta sa integrasyong pangkabuhayan sa Silangang Asya, bagay na nagpalakas sa pag-uunawaan, nagpalalim sa kooperasyon ng iba't-ibang bansa, at naging mahalagang instrumento sa pagharap sa mga hamon. Sa ngayon, ang pagpapanatili ng tunguhin ng pag-unlad ng kooperasyong Silangang Asyano ay may mahalagang katuturan, aniya pa.
Dagdag pa ni Wang, sa susunod na yugto, dapat pahalagahan ng 10+3 ang pagpapalakas ng kooperasyon sa seguridad pinansiyal, palalimin ang kooperasyong pangkalakalan at pampamumuhunan, pasulungin ang kooperasyon sa agrikultura at pagbabawas ng karalitaan, pasulungin ang konstruksyon ng konektibidad, isagawa ang kooperasyon sa pandaigdigang kakayahan ng produksyon, at palalimin ang pagpapalitang panlipunan at pangkultura.
Lubos na pinapurihan ng mga Ministrong Panlabas ng iba't-ibang bansang ASEAN ang natamong bunga ng 10+3 cooperation, at tiniyak nila ang kahalagahan ng mekanismo ng 10+3 sa pagpapasulong ng proseso ng integrasyon ng Silangang Asya. Umaasa din silang patuloy na daragdagan ng Tsina, Hapon, at Timog Korea ang laang-gugulin, at ibabahagi ang kanilang karanasan para tulungan ang mga bansang ASEAN sa pagbabawas ng agwat sa pag-unlad, at maisakatuparan ang komong kasaganaan.
Salin: Li Feng