Ayon sa Xinhua News Agency, sa Ika-19 na Pulong ng mga Ministro ng Kabuhayan at Kalakalan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea, ipinahayag Huwebes, Agosto 4, 2016, ni Gao Hucheng, Ministro ng Komersyo ng Tsina, na patuloy at matatag na kakatigan ng Tsina ang namumunong katayuan ng ASEAN sa kooperasyong Silangang Asyano, at kakatigan ang pangunahing papel ng ASEAN, Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3) sa ganitong kooperasyon. Aniya, nakahanda ang panig Tsino na magsikap, kasama ng iba't-ibang panig, para mapasulong ang proseso ng integrasyon ng kabuhayang panrehiyon, at mapasulong ang kasaganaan ng kabuhayang panrehiyon at paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Para rito, iniharap ni Gao ang limang (5) mungkahi: una, dapat katigan ang namumunong papel ng ASEAN, at dapat ding pasulungin ang pagtatapos ng talastasan tungkol sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa loob ng kasalukuyang taon; ikalawa, sa balangkas ng "Belt and Road," dapat palakasin ang transnasyonal na kooperasyon sa imprastruktura sa rehiyong ito, at dapat pabilisin ang konstruksyon ng konektibidad; ikatlo, dapat walang humpay na palakasin ang kooperasyon sa kakayahan ng produksyon sa Silangang Asya; ikaapat, dapat pasulungin ang kalakalan at pamumuhunan sa rehiyong ito; ikalima, dapat palakasin ang kooperasyon ng Tsina, Hapon, at Timog Korea para makapagbigay ng puwersa sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng 10+3.
Salin: Li Feng