Miyerkules, ika-10 ng Agosto, 2016, kaugnay ng insidente ng malubhang teroristikong pagsalakay sa Quetta, Lalawigang Baluchestan ng Pakistan, magkahiwalay na nagpadala ng mesahe sina Pangulong Xi Jinping at Premyer Li Keqiang ng Tsina, kina Pangulong Mamnoon Hussain at Punong Ministro Nawaz Sharif ng Pakistan, bilang pakikidalamhati sa nasabing insidente.
Binatikos ng mga lider na Tsino ang naturang teroristikong pagsalakay na nagdulot ng malaking human casualty. Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino, nagpahayag sila ng pakikiramay sa mga nasawi, at ng taos-pusong pakikidalamhati sa mga kamag-anakan ng mga nasawi at nasugatan.
Anila, buong tinding tinututulan ng Tsina ang lahat ng porma ng terorismo. Patuloy at buong tatag na kinakatigan anila ng panig Tsino ang walang humpay na pagsisikap ng pamahalaan at mga mamamayang Pakistani, para sa pangangalaga sa katiwasayan at katatagan ng bansa, at pagbibigay-dagok sa terorismo.
Lunes ng umaga, ika-8 ng Agosto, naganap ang suicide bombing attack sa isang ospital sa Quetta, Lalawigang Baluchestan sa dakong timog-kanluran ng Pakistan. Di-kukulangin sa 70 katao ang nasawi, at 112 iba pa ang nasugatan. Kapuwa umamin ang Islamic States at Tehrik-e-Taliban na sila ang may kagagawan ng nasabing insidente.
Salin: Vera