Idinaos nitong Lunes at Martes, ika-15 at ika-16 ng Agosto 2016, sa Manzhouli, Tsina, ang ika-13 pulong ng mga mataas na opisyal at ika-18 pulong ng joint working group ng Tsina at ASEAN hinggil sa pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).
Ipinahayag ng iba't ibang panig na ipagpapatuloy ang komprehensibo at mabisang pagpapatupad ng DOC, batay sa may kinalamang magkasanib na pahayag na pinagtibay sa pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at ASEAN noong isang buwan. Inulit nila ang mga prinsipyo, na gaya ng mapayapang paglutas sa hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian, pagkontrol sa pagkakaiba sa pamamagitan ng mga tuntuning rehiyonal, pagpapalalim ng pragmatikong kooperasyon sa dagat, pagpapasulong ng pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Nagpalitan din ng palagay ang mga kalahok hinggil sa pagbuo ng mekanismo ng kooperasyong pandagat, at pagpawi sa mga hadlang sa pagsasanggunian hinggil sa COC.
Pinagtibay sa pulong ang dokumento ng mga pumapatnubay na prinsipyo hinggil sa hotline ng mga diplomata ng Tsina at mga bansang ASEAN para sa pagharap sa pangkagipitang pangyayari sa dagat, at magkasanib na pahayag ng Tsina at mga bansang ASEAN hinggil sa paggamit ng Code for Unplanned Encounters at Sea sa South China Sea. Isusumite at ipapalabas ang naturang dalawang dokumento sa China-ASEAN Summit na idaraos sa unang dako ng susunod na buwan.
Salin: Liu Kai