Mula noong ika-19 hanggang ika-20 ng kasalukuyang buwan, ginanap sa lunsod Chengdu, lalawigang Sichuan, Tsina ang ika-15 magkakasanib na working group meeting at ika-10 pulong ng mga mataas na opisyal ng Tsina at ASEAN hinggil sa pagpapatupad ng Declaration on the Conducts of Parties in the South China Sea (DOC). Dumalo rito ang mga mataas na opisyal ng mga Ministring Panlabas mula sa Tsina at 10 bansang ASEAN.
Sa naturang pulong, patuloy na natamo ng Tsina at iba't-ibang bansang ASEAN ang positibong progreso sa Code of Conduct in the South China Sea (COC). Malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang iba't-ibang panig hinggil sa ibayo pang komprehensibo at mabisang pagsasakatuparan ng DOC, at pagpapalakas ng kanilang pragmatikong kooperasyon sa dagat. Nagkaroon din sila ng konstruktibong pagsasanggunian tungkol sa COC sa balangkas ng pagsasakatuparan ng DOC. Sinabi ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang pagsasanggunian hinggil sa COC ay pumasok na sa isang yugto na "mahalaga at masalimuot."
Kaugnay ng natamong bunga sa nasabing pulong, sinabi ni Chee Wee Kiong, Permanent Secretary ng Ministry of Foreign Affairs ng Singapore, na natamo ng naturang katatapos na pulong ang mga malaking progreso.
Salin: Li Feng