Ipinatalastas Martes, Agosto 30, 2016, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa paanyaya ni Punong Ministro Thongloun Sisoulith ng Laos — kasalukuyang bansang tagapangulo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mula ika-6 hanggang Ika-9 ng darating na Setyembre, dadalo si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa ika-19 na Pulong ng mga Lider ng Tsina at ASEAN (10+1) at Summit bilang Paggunita sa Ika-25 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Pandiyalogo ng Tsina at ASEAN, Ika-19 na Pulong ng mga Lider ng ASEAN, Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3), at Ika-11 Summit ng Silangang Asya. Bukod dito, isasagawa ng premyer Tsino ang opisyal na pagdalaw sa Laos.
Sinabi ni Hua na sa kasalukuyan, naging matatag sa kabuuan ang situwasyon sa Silangang Asya, at malalimang umuunlad ang proseso ng integrasyong panrehiyon. Ang pagdalo ni Premyer Li sa naturang serye ng pulong ay may mahalagang katuturan para ibayo pang mapasulong ang relasyong Sino-ASEAN, at ang kooperasyong panrehiyon sa Silangang Asya, dagdag niya.
Ipinahayag din niya na sa panahon ng biyahe sa Laos, makikipag-usap si Premyer Li kay Punong Ministro Thongloun Sisoulith ng Laos para magpalitan ng kuru-kuro tungkol sa relasyong Sino-Lao at mga isyung kapwa nila pinahahalagahan. Lalagdaan din aniya ng dalawang panig ang dokumentong pangkooperasyon sa mga kinauukulang larangan.
Salin: Li Feng